Nakaupo ako sa unahan ng jeep na bumabaybay sa Arnaiz Avenue na'ng biglang nagsalita 'yung bata sa likod ko, kausap niya ang sa tingin ko ay Nanay niya. Kami lang tatlo ang sakay ng jeep.
"Ako...mahal na mahal ko ang Papa ko!", sabi ng bata. Lumingon ako at nginitian siya sabay sabing "talaga?" Napangiti lang ang bata na parang nahihiya, napangiti rin ang Nanay niya. Ang driver naman, dedma lang. Tuloy ang biyahe ng jeep.
Ilang saglit pa, may nadaanan kaming bilihan ng mga spare parts ng sasakyan. Itinigil ng driver ang jeep, at nag-abot ng pera sa babaeng kanina'y kausap ng bata. "Nay, isang brake fluid kamo, 'yung maliit lang." Bumaba ang babae at humabol ang bata. "Ma, sama ako, sama ako!" Ang driver pala ang Papa'ng mahal na mahal ng kanyang anak!
Habang bumibili ang mag-ina ng brake fluid, naisip ko, sana hanggang lumaki ang batang ito lagi pa rin niyang masabi na mahal na mahal niya ang Papa niya, at sana masabi niya rin sa Mama niya. Ako kasi, hindi. Hindi namin nakasanayan sa bahay na magsabi ng ganitong mga bagay. Siguro dahil ang mga magulang ko ay nasa henerasyon na hindi pa uso ang mga instant, kaya hindi basta-basta ganoon kadali sabihin ang "mahal kita, anak" at hindi rin kami lumaki na sinasabi ang "mahal ko kayo, 'Nay/'Tay". Pero hindi naman ito nangangahulugan na hindi ko na sila mahal at hindi nila kami mahal. Mas ipinapakita na lang siguro sa kilos kaysa ipinaparinig sa salita.
Naalala ko tuloy noong bata pa ako. Alam na alam ni Tatay na paborito ko ang chocolate na Three Musketeers. Tuwing hapon, inaabangan ko ang pag-uwi niya at pag namataan ko na siya sa kanto ng kalye namin, tumatakbo na ako at sinasalubong ko siya. Itatanong ko kung ano ang pasalubong niya at kukuhanin niya sa bulsa ng polo niya ang Three Musketeers. Syempre matutuwa ako at masaya kaming maglalakad pauwi sa aming bahay. Ngayon ko lang napag-isip-isip, bakit nga kaya naglalakad lang si Tatay pauwi? Hindi kaya baka kaya siya hindi nag-tricycle ay para maibili niya ako ng Three Musketeers? Hindi ko na naisip 'yun noon. Ang tumatak lang sa murang isip ko, mahal ako ng Tatay ko kasi inuwian niya ako ng paborito ko. At dahil doon, mahal ko rin siya.
Si Nanay naman, kahit noong bata pa ako, alam na alam niyang mahilig ako sa spaghetti. Kaya naman tuwing birthday ko, spaghetti ang handa at hindi pansit. Pag birthday kasi ng kahit sino sa bahay namin, pansit ang lagi niyang iniluluto. Parang naaalala ko dati, may isang beses na nagsabi sa akin ni Nanay na pansit na lang daw ang iluluto niya sa birthday ko. Hindi ako pumayag, nagtampo ako. Ang sabi lang ni Nanay, "o sige titingnan". Noong dumating ang birthday ko, tuwang-tuwa ako dahil natupad ang hiling ko. Spaghetti ang iniluto at hindi pansit. Ngayon ko lang napag-isip-isip, siguro noong mga panahong iyon malaki ang nagagastos sa pagluluto ng spaghetti kaysa pansit. Kaya siguro laging pansit ang iniluluto ni Nanay, mas matipid kasi. Hindi ko na naisip 'yun noon. Ang tumatak lang sa murang isip ko, mahal ako ng Nanay ko kasi ipinagluluto niya ako ng paborito ko. At dahil doon, mahal ko rin siya.
Umabot na ako sa Imus at nakabalik na ulit sa Arnaiz Avenue ay nakapila pa rin ang mag-ina para sa brake fluid. Ibinalik ni Papa driver ang bayad ko at sinabing lumipat na ako ng ibang jeep, baka raw nagmamadali ako, mukhang matatagalan pa raw yata. Ayoko pa sanang bumaba pero nagkataon naman na nagmamadali nga ako. Tinanggap ko ang pera at bumaba na.
Sabi nila, ang anak daw kayang tiisin ang magulang pero ang magulang hindi kayang tiisin ang anak. Ang masasabi ko naman, baka depende rin sa kung paano pinalaki ng magulang ang anak. Kung nare-realize ng anak na ang maalwan niya palang buhay ay bunga ng pagsa-sakripisyo ng mga magulang niya para lang buhayin siya, para makakain ng tatlong beses o higit pa sa isang araw, para maibigay ang kanyang hinihingi, para makapag-aral sa magandang eskwelahan, imposibleng matiis niya ang mga ito kapag sa bandang huli ay sila naman ang nangailangan sa kanya. Katulad ng bata'ng mahal na mahal ang Papa niya, at katulad din ng batang pinapasalubungan ng Three Musketeers at ipinagluluto ng spaghetti tuwing birthday niya.
Thursday, October 22, 2009
Biyahe
Posted by
xxiv.
at
11:25 PM
0
comments
Marathon!

Less than Php 1000 spent on these VCDs. No pirated copies here. I'm just saying. =)
Marathon, anyone?

N e l l Lust Caution Brokedown Palace

Primary Colors Who is Cletis Tout?

Sarong Banggi ICU Bed #7

Big Business

Posted by
xxiv.
at
12:42 AM
0
comments
Labels: movies
panggising isang oras bago ang simbang gabi (retired)
Posted by
xxiv.
at
12:35 AM
0
comments
Labels: pitik pic
mga kandilang nagbigay ng buhay para sa iyong mga kahilingan
Posted by
xxiv.
at
12:30 AM
0
comments
Labels: pitik pic
Sunday, October 18, 2009
benkyou benkyou!
"nobita, lagi ka na lang nakahilata d'yan! mag-aral ka nga!" 'yan ang laging sinasabi ni doraemon, ang robot na galing sa hinaharap.
"meron ka bang gamit galing sa hinaharap na makakatulong sa akin, doraemon? sige na doraemon, tinatamad akong mag-aral eh. tulungan mo naman ako. pahiram naman ng mga gamit galing sa hinaharap." 'yan naman ang laging sinasabi ni nobita.
sana may kaibigan akong tulad ni doraemon. pagdukot sa bulsa ng mga gamit, solb ang problema. lapis na sumusulat ng tamang sagot? no problem! meron n'yan si doraemon. kodigong tinapay na kapag idinikit sa libro at pagkatapos kinain ay maaalala lahat ng nakasulat sa libro? oo naman, si doraemon pa! kaya lang minsan abusado sa paggamit itong si nobita, kaya kahit gaano pa kagaling ang mga gamit ni doraemon, pumapalpak pa rin at nauuwi sa wala.
sa totoong buhay, walang totoong doraemon. walang lapis na laging sumusulat ng tamang sagot, at kahit ang pinakamagaling na baker di pa nakaka-imbento ng kodigong tinapay. kaya imbes na umasa na lang sa mga gamit ni doraemon, mabuti pa sundin na lang ang payo n'ya: nobita, mag-aral ka nga!
_________
kailangan ko ng magsimulang mag-review ng seryoso para sa bar. ito rin ay isinulat ko para sa mga pamangkin ko na periodical exam next week.
*Ang Doraemon (ドラえもん, Doraemon) ay isang seryeng manga na nilikha ni Fujiko F. Fujio.
Posted by
xxiv.
at
7:57 PM
0
comments
Labels: bar exam
Friday, October 16, 2009
Nanay
Inaalalayan ko si Nanay papunta sa ihian n'ya nang tinanong n'ya ako, "Nasaan ba ang Tatay mo?"
"Umalis, nagbayad sa PLDT", sagot ko sa kanya. Pagkaihi niya, ibinalik ko siya sa kama at bumalik ako sa laptop ko para magtrabaho ulit.
Mga kalahating oras ang lumipas, narinig ko na naman ang boses ni Nanay. "Inay...Inay", sabi n'ya. Sanay na ako. Hindi man pangalan ko ang tinatawag n'ya, hindi man pangalan ni Tatay, alam ko na na kami ang "Inay..Inay" na tinatawag n'ya. Tumayo ako.
"Bakit, 'Nay?"
"Iihi."
Inalalayan ko ulit siya papunta sa commode.
"Bakit ba napakatagal ng Tatay mo sa LTO?"
"Hindi sa LTO 'Nay, sa PLDT. Binayaran ang bill natin". Hindi na siya sumagot.
Maya-maya dumating na si Tatay, kasama ang pamangkin kong sinundo din n'ya pagkatapos n'yang magbayad sa PLDT. Naiihi na naman si Nanay kaya si Tatay na ang umalalay sa kanya.
Nasa kabilang sala ako pero naririnig ko ang usapan nila.
Si Nanay: "Ano ba ang ginawa mo sa BIR?"
Si Tatay: "Ano'ng BIR?"
Ipinaliwanag ko kay Tatay na sinabi ko kay Nanay kanina kung saan siya pumunta. Nagtawanan kami. Natatawa kami pero alam ko, sa loob namin pareho ni Tatay, natatakot kami. Natatakot na kami sa nagiging kalagayan ni Nanay.
________
dahil kailangan kong magsulat
Posted by
xxiv.
at
4:52 PM
0
comments
Thursday, September 17, 2009
True Story
Kagabi...
Sahig, nagtatampo: Winalisan nga ako, di naman ako nilampaso...
Freezer, nagyayabang: Wag kang mag-alala, dine-defrost ako ngayon. Ako'ng bahala sa 'yo!
Kaninang umaga...
Ako, gulat: Bakit baha dito?!?
Ito ay isang true story ng conspiracy ng ref at sahig na nag-take advantage sa aking katangahan.
Posted by
xxiv.
at
11:19 AM
0
comments
Friday, August 21, 2009
ninoy

sa iyong ika-26 na taon ng pagpanaw, hindi ka na nag-iisa.
may kasama ka na.
____
today is ninoy aquino day
Posted by
xxiv.
at
4:06 PM
0
comments
Labels: pilipino
Wednesday, August 12, 2009
ang opinyon ko sa mga sitwasyon
kung natuturuan ang pusong lumimot
siguro hindi mo pa nakikilala ang iyong guro
kung nadadala ng hangin ang mapapait na ala-ala
siguro masyadong mabigat ang sa iyo
kung sa tingin mo ay sarado na ang pinto
siguro hindi ka naghanap ng ibang daanan
pero alam ko ang 'yong pinanggalingan
alam ko kung nasaan ka
at alam ko ang iyong pagdurusa
sa isang banda, siguro tama ka
Posted by
xxiv.
at
11:58 AM
0
comments
Tuesday, August 04, 2009
Mrs. Cory Aquino

this photo is from http://www.pcij.org
More than an icon of democracy, more than a president, Mrs. Cory Aquino was a wife, a mother, an artist. She supported and loved her husband and took care of her children well. She painted the world as she saw it and shared her talent as gifts to her friends. If only for that, she has already earned my admiration. I give thanks and respect not only to the icon of democracy, not only to the former president, but more importantly, to Ninoy's Cory; Ballsy, Pinky, Noynoy, Viel and Kris' Mom; and to the artist who proved that it is never too late to start something new, as long as you put your heart into it.
Saludo po ako sa inyo.
________
Her paintings may be viewed here.
Hindi kailangang maging sikat para hangaan. Hindi kailangang may mataas na posisyon para saluduhan. Kahit isang simpleng mamamayan lang ay nararapat bigyang pugay kung kinakailangan.
Ang Saludo sa Pilipino ay isang pagbibigay-pugay sa mga Pilipinong nagsisikap pa ring maging mabuting mamamayan sa kabila ng mga paghihirap at krisis na kinakaharap ngayon ng bansa. Mga taong kahanga-hanga ang ugali, galing, tapang, sipag, pananampalataya, at dignidad; mga Pilipinong dapat saluduhan, at higit sa lahat, tularan.
Posted by
xxiv.
at
12:09 AM
0
comments
Labels: pilipino, saludo series

